Wednesday, May 14, 2014

Lumilipas Ang Panahon



"Isang tipikal na pagsasama sa nakasanayang paligid,
nakasanayang panahong nagsusumikap sa mainit,
kasabay ng mga katoto na hindi lahat kilala,
pandayan ng kilos patunayan kung sino ka ba,

Lahat kami may kanya-kanyang binhing itatanim,
mapa araw, ulan, lamig at kulimlim,
inakala kong normal na araw sa pamantasang bukirin,
hanggang sa may isang kasamang lumapit sa'kin,

Sa ilalim ng iisang puno,
nagpakiramdaman ang dalawang puso,
nagkasabay, nagkasama sa pagyuko,
hanggang sa umusbong ang aming mga puno,

Ngumingiti na ang lahat, nagpupunas na ng pawis,
nagpapaypay na ng sumbrerong nainitan na ng labis,
at ng kami ay pipitas na, ako ay nagtaka,
bakit sila ay meron na at ang akin ay wala pa,

Habang sinusulat ko ito sila'y papalayo,
kakalimutan na lang ang aming pagtatagpo,
dahil ganun naman talaga ang ating buhay,
kapag pinaglumaan na'y nawawalan ng kulay,

Nagtyaga naman ako magtanim, nagpagod magdilig,
nagbilad sa arawan,
sadyang namunga lang talaga ang aking puno
sa panahon ng tag-ulan,

Uuwi na ko at babalik sa dating nakasanayan,
malulungkot, mag-iisa, dadamhin lang ang ulan,
sabihin man nilang 'meron pang bukas' at ito ay sigurado,
nawa'y pahintulutan pa rin akong malungkot hanggang sa araw na ito.."


No comments:

Post a Comment